
Pormal nang inilunsad ng Department of Agriculture IV-A CALABARZON (DA-4A) ang mga pamantayan ng proyektong Gulayan sa Bayan (GSB) sa natapos na Mid-year Assessment ng High Value Crops Development Program (HVCDP) noong ika-8 hanggang ika-9 ng Hulyo sa Tagaytay City, Cavite.
Layunin ng proyektong ito na paigtingin ang seguridad sa pagkain, itaguyod ang abot-kayang akses sa mga gulay, at tugunan ang malnutrisyon sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga community- based vegetable nursery. Aabot sa 121 Gulayan sa Bayan ang planong maitayo upang masiguro ang implementasyon ng proyekto sa rehiyon.
Nakapaloob sa GSB ang pagbibigay ng DA-4A ng mga input para sa produksyon ng gulay, mga materyales para sa nursery tulad ng mini seed beds, imbakan ng tubig para sa irigasyon, at mga teknikal na pagsasanay para sa paghahanda ng mga taniman.
Kabilang din dito ang pagkakaroon ng isang tripartite agreement sa pagitan ng DA-4A, mga lokal na pamahalaan (LGUs), at kwalipikadong mga samahan ng komunidad upang mangasiwa sa pagpapatupad ng GSB sa barangay kung saan inaasahan ang partisipasyon ng mga kababaihan, youth groups, senior citizens, at iba pang organisasyon sa bawat komunidad.
Magmumula sa HVCDP ang pang-panimulang pondo ng GSB. Habang pinapayagan din ang karagdagang pondo mula sa mga donor, grant-giving bodies, at mga programa ng Corporate Social Responsibility (CSR). Ang pondo para sa ikalawang taon ng implementasyon nito ay maaari namang manggaling sa General Appropriations Act (GAA).
Inaasahan din na makakatulong ang GSB sa pagkakaroon ng karagdagang kita sa mga kalahok na komunidad at sumuporta sa mga lokal na feeding program.