Isang trade fair at exhibit ang pinangunahang buksan ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) para sa mga magsasaka simula noong ika-30 hanggang ika-31 ng Mayo sa Ayala Malls Nuvali, Sta. Rosa City, Laguna.
Ito ay bahagi ng taunang pagdiriwang ng Farmers and Fisherfolk Month (FFM) alinsunod sa itinakda ng Proclamation No. 33 na nagsisilbing pagkilala sa napakalaking ambag ng mga magsasaka at mangingisda sa pagkain, ekonomiya, at kabuhayan ng bansa.
Sa aktibidad ay 33 Farmer Cooperatives and Associations (FCAs) at mga maliliit na negosyo ang nakapagpakilala at nakapagbenta ng kani-kanilang sariwa at mga naprosesong produkto. Dito ay nagkaroon ng ribbon cutting bilang simbolo ng pagbubukas ng exhibit at sinundan ng paggagawad ng mga sertipiko para sa mga kalahok na samahan.
Ayon kay OIC-Regional Executive Director Engr. Redelliza Gruezo, ito ay nagsisilbing suporta ng Kagawaran sa pagmamarket ng mga produktong lokal upang maiugnay pa sila sa mga institusyonal na mamimili at iba pang stakeholders.
Si Rhodora Santos mula sa Majayjay Organic Farmers Association (MOFA) ay ikinatuwa ang paglahok dahil umaga pa lang ng unang araw aniya ay nauubos na agad ang dala nilang paninda, partikular ang honey at manggang hinog. Aniya, malaking tulong ang pag-imbita palagi sa kanila sa mga fair dahil mas marami pa silang nakikilala at lumalawak ang potensyal na merkado.
