Suportado at inendorso ng Provincial Development Council ng Rizal ang implementasyon ng Department of Agriculture โ Philippine Rural Development Project (DA-PRDP) Scale-Up sa Regional Development Council ng CALABARZON. Ayon sa National Economic Development Authority na nangunguna sa RDC, malaking hakbang ito upang ganap na maipatupad ang proyekto hindi lamang sa probinsya ng Rizal, ngunit sa buong rehiyon.
Ang DA-PRDP Scale-Up ay ang mas pinalawak na bersyon ng naturang proyekto na naglalayong pabilisin ang daloy ng mga produktong agrikultural mula produksyon hanggang pagbebenta sa pamamagitan ng pagpondo ng mga proyektong imprastraktura o pangkabuhayan. Mas tututukan nito ang pagpapatatag ng sektor ng agrikultura, partikular sa climate change, industriya ng bigas at mais, at ang mga clustered na samahan ng mga magsasaka.
Malaking pasasalamat ang hatid ni DA-PRDP Regional Project Coordination Office CALABARZON (RPCO 4A) Project Director Engr. Marcos Aves, Sr. sa suporta ng mga probinsya sa proyekto. Sa ikauunlad pa ng sektor at seguridad ng pagkain sa rehiyon, hinikayat niya ang mga samahan at mga lokal na pamahalaan na magpasa ng mga proyekto sa RPCO 4A na maaaring mapondohan sa ilalim ng DA-PRDP Scale-Up.
Para sa mga nais magpasa ng proyekto para sa DA-PRDP Scale-Up, makipag-ugnayan lamang sa RPCO 4A na matatagpuan sa Department of Agriculture Regional Field Office CALABARZON Lipa Agriculture Research and Experiment Station sa Brgy. Maraouy, Lipa City, Batangas o magpadala ng e-mail sa prdp@calabarzon.da.gov.ph. PR