Hinimok ni
Senador Alan Peter Cayetano ang gobyerno ng
Pilipinas na magtakda ng
isang malinaw na istratehiya sa West Philippine
Sea para sa pagpapanatili
ng teritoryal na karapatan
ng bansa sa pinagtatalunang karagatan.
Sa isang manipestasyon sa pagdinig ng kumpirmasyon ng
ad-interim appointment ng
limampung (50) General
at Flag Officers ng Armed
Forces of the Philippines
(AFP), sinabi ni Cayetano
na kulang sa malinaw na
estratehiya ang bansa dahil nagbabago ito sa bawat
bagong administrasyon.
“Kung gusto ng
isang presidenteng sobra-sobrang pro-China,
gusto ng isa sobra-sobrang anti-China, gusto ng
isa sobra-sobrang pro-US,
y’ung isa anti-US, ay parang pwede sa ating bansa,” wika niya.
“If every administration iba ang strategy
natin, that’s a recipe for
failure,” dagdag niya.
Sinabi ni Cayetano sa halip na ang
chief advisory unit lang ng
Pangulo ang gagawa at
magpatupad ng estratehiya, dapat ay patuloy na
maging kritikal sa kanilang
pag-iisip ang mga pinuno
ng militar at isali ang kanilang mga sarili, kasama
ang mga diplomat ng bansa, sa proseso ng paggawa ng desisyon.
“Yes, they have
to follow orders kung ano
ang strategy na inilahad
ng commander-in-chief,
[however] in other countries, the military establishment is so strong that the
swing of the [command]
ng Pangulo sa strategy is
also limited. Sa atin, parang unlimited,” wika niya.
Sinabi ni Cayetano, na nagsilbi bilang Foreign Affairs Secretary mula
2017 hanggang 2018, na
makakatulong din kung
gagawa ang bansa ng
pangmatagalang plano na
magsisilbing blueprint sa
susunod na isang daan o
kahit isang libong taon.
“When I was in
the DFA, I kept on telling
our people in the DFA
to stop complaining na
ang China may one-hundred (100) year plan at
one-thousand (1,000)
year plan and [Instead]
start making the Philippine
one-hundred (100) year
plan and the Philippine
one-thousand (1,000) year
plan,” wika ng independent senator.
“Very, very clear
kung ano ang strategy ng
China. Very, very clear din
kung ano ang strategy ng
US, pero very, very unclear kung ano ang strategy natin,” dagdag niya.
Sinabi ni Cayetano na dapat ding tingnan ng gobyerno ang
kasaysayan para makita
kung ano ang maaaring
mangyari sa bansa kung
masangkot ito sa global
power struggle kung hindi
ito magtatakda ng partikular na pangmatagalang
estratehiya.
“I’m very concerned about that kasi
we have to look at history. Look what happened
sa Cuba when they got
in between the US and
the USSR, look what happened with Turkey n’ung
maglalagay din ng missiles d’un ang US,” wika
niya
Bagama’t binigyang-diin ni Cayetano
na hindi dapat ilahad ng
gobyerno ang estratehiya
nito sa publiko, kailangan
aniyang malaman ng mga
tao na mayroon nga itong
plano.
“I disagree na ilahad ‘yan in public kasi hindi magandang strategy na
pinapakita mo sa katunggali mo ang strategy mo,”
sabi niya.
“But kung mismong top level people din
sa House at sa Senate
ay hindi rin alam for sure
kung ano ang strategy
natin, eh problema y’un,”
dagdag niya. PR
