
Karagdagang oportunidad sa produksyon at marketing ng produktong agrikultural ang parating sa Brgy. Bilibinwang at Barigon sa Agoncillo, Batangas dahil sisimulan na dito ang konstruksyon ng farm-to-market road ng Department of Agriculture – Philippine Rural Development Project katuwang ang lokal na pamahalaan.
Ang kalsada na may habang 4.6 km ay idudugtong ang mga barangay sa mga kalapit na bayan tulad ng Laurel at Talisay at sa probinsya ng Cavite. Layunin nitong pataasin ang produksyon at kita ng mga magsasaka sa lugar sa pamamagitan ng paggamit ng 70 ektarya ng bakanteng lote para sa agrikultura at pagpapababa ng gastos sa paghahakot ng inputs at produkto ng hindi bababa sa 37%.
Sa idinaos na pagpupulong tungkol sa FMR na dinaluhan ng DA-PRDP, Agoncillo LGU, at contractor, nagpasalamat si Agoncillo Mayor Cinderella Valenton-Reyes sa DA-PRDP sa pagtulong sa kanilang mapaunlad at mapagtibay ang sector ng agrikultura sa kanilang bayan. Dagdag pa niya, malaki ang maitutulong ng FMR sa mabilis na paglikas ng mga residente sa oras ng panganib. PR