
Hinihikayat ng Department of Agriculture โ Philippine Rural Development Project (DA-PRDP) Regional Project Coordination Office CALABARZON (RPCO 4A) ang mga lokal na pamahalaan at mga samahan ng magsasaka na magpasa ng kanilang subproject proposals para sa mga imprastraktura at kabuhayang pang-agrikultura na maaaring pondohan at maipatupad sa ilalim ng DA-PRDP Scale-Up.
Ang DA-PRDP Scale-Up ng DA at World Bank ay ang mas pinalawak na bersyon ng DA-PRDP na naglalayong pabilisin ang daloy ng mga produktong agrikultura mula produksyon hanggang pagbebenta upang masiguro ang suplay ng pagkain sa mga pamilihan sa abot-kayang presyo, at ang pagtaas ng kita ng mga magsasaka at mangingisda.
Kumpara sa unang bersyon ng proyekto, mas tututukan sa DA-PRDP Scale-Up ang pagpapatatag ng sektor ng agrikultura laban sa climate change, industriya ng palay at mais, at mga clustered na samahan ng mga magsasaka.
Tinatarget na matulungan ng DA-PRDP Scale-Up ang mga lokal na pamahalaan at mga samahan na nauugnay sa sektor ng agrikultura tulad ng mga maliliit na grupo ng mga magsasaka, farmers fisherfolk cooperatives and associations (FCAs), FCA clusters, processors, consolidators, atbp.
Maaari silang magpasa ng proposals para sa mga imprastraktura tulad ng farm-to-market road, potable water system, tubigan, tulay, slaughterhouse, tramlines, feeder ports, atbp. Para naman sa kabuhayan, maaari silang mag-propose ng mga proyektong makakatulong sa pagpapahusay ng input supply/sourcing, production, consolidation, postharvest, processing, at marketing ng isang commodity.
Sisimulan ang implementasyon ng DA-PRDP Scale-Up ngayong taon at magtatapos ito sa 2029. Popondohan ito ng World Bank ng 600 milyon USD o humigit kumulang 33 bilyong piso at ng gobyerno ng 5.57 bilyong piso.
Nito lamang ay 38 na lokal na pamahalaan sa Quezon ang hinimok ng RPCO 4A na magpasa ng proyekto sa DA-PRDP Scale-Up. Ilang lokal na pamahalaan na rin ang nagsimulang makipag-ugnayan sa RPCO 4A upang magpasa ng proyekto. Sinisigurado naman ng RPCO 4A na magiging mabilis at masigasig ang kanilang aksyon, suporta, at pakikipagtulungan sa mga LGUs at samahan na magpapasa ng proposal.
Para sa mga nais magpasa ng proyekto para sa DA-PRDP Scale-Up, makipag-ugnayan lamang sa RPCO 4A na matatagpuan sa Department of Agriculture Regional Field Office CALABARZON Lipa Agriculture Research and Experiment Station sa Brgy. Maraouy, Lipa City, Batangas o magpadala ng e-mail sa prdp@calabarzon.da.gov.ph. (Myrelle Joy Bejasa, PRDP 4A InfoACE)