Patuloy ang pagpapalawig ng programang Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2) ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa pamamagitan ng isinagawang cluster monitoring, enterprise assessment, at cluster development plan workshop sa probinsya ng Quezon.
Noong ika-21 hanggang 24 ng Pebrero, tinutukan ng F2C2 Team ang mga samahan ng magsasaka sa bayan ng San Francisco, San Andres, Catanauan, at Macalelon.
Sila ay ang San Francisco Producers Association, Batanguiad Corn Farmers Association, San Francisco Banana Producers Association, Tayumanin Upland Farmers Association, San Andres Agriculture Cooperative, Samahan ng Organikong Magsasaka ng Catanauan, at Barangay Olongtao Ilaya Upland Rice Farmers Association.
Hangad ng naturang programa na pagsama-samahin sa isang cluster ang mga samahan ng magsasaka ayon sa kanilang mga produkto o commodity at paraan ng pamamahala ng taniman. Ito ay lubos na makatutulong upang makabalangkas ng mga angkop na estratehiya sa pagpapataas ng kanilang produksyon at ng antas ng kanilang pamumuhay.
Ang pagbisita sa mga samahan ay naglalayong alamin ang kalagayan ng mga nabuong clusters, kumustahin ang kanilang mga taniman at kabuhayan, at matulungan silang palakasin at paunlarin pa ang sistema ng kanilang pamamahala sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga tulong at interbensyon na naaayon sa kanilang pangangailangan. Ipagpapatuloy ang katulad na aktibidad sa iba pang bayan upang tiyakin ang wasto at epektibong pagpapatupad ng programa para sa mga samahan ng mga magsasaka sa CALABARZON. (Chieverly Caguitla, DA-4A RAFIS)