
Tinungo ng Department of Agriculture IV-A CALABARZON (DA-4A) High Value Crops Development Program (HVCDP) ang mga bayan ng Mendez, Cavite, Pililla, Rizal, at Panukulan, Quezon, upang magsagawa ng pagsasanay sa mga Package of Technology (POT) para sa tamang pamamahala ng nutrisyon at peste sa pinya.
Tinutukan ng pagsasanay ang tamang pagsusuri ng lupa, pag-aabono, at wastong pamamahala ng peste at sakit na humahadlang sa magandang ani ng pinya. Ang mga kaalamang ito ay layong makatulong sa mga lokal na magpipinya na mapataas ang kanilang ani at kita, gamit ang mga makabago at epektibong pamamaraan.
Ayon sa mga magsasaka, malaking tulong ang mga natutunan nila upang mapabuti ang kalidad ng kanilang mga taniman at mapanatili ang kalusugan ng lupa. Para kina Herald Eranista mula sa Panukulan Multi-Sectoral Fishers and Farmers Association (PaMuSeFFA) at Jhon Carlo Juno mula sa Bukal Farmers Association sa Mendez, mahalaga ang pagpapasa ng mga kaalamang ito sa mga kabataan upang masiguro na magpapatuloy ang kasanayan at mga pamamaraan ng pagtatanim ng pinya sa kanilang mga komunidad.
Binigyang-diin din sa bawat pagsasanay ang kahalagahan ng maayos na koordinasyon ng Kagawaran sa bawat lokal na pamahalaan upang mapagtagumpayan ang pagpapalakas ng sektor ng pagpipinya sa CALABARZON.