Aabot sa 72 na proyektong Farm-to-Market Road (FMR) sa rehiyon ng CALABARZON ang nakatakdang simulan na gawin at pamahalaan ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Regional Agricultural and Engineering Division (RAED) para sa taong 2026.
Nakumpirma ito sa malawakang pagsasagawa ng opisyal na paglalagda ng Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Department of Agriculture (DA) at Department of Public Works and Highways (DPWH) na may layong mapalakas ang mga agrikultural na imprastraktura na mag-uugnay mula sa mga sakahan hanggang merkado.
Sa tulong ng mga FMR ay mababawasan ang gastos ng mga magsasaka sa transportasyon at mas magkakaroon ng malaking akses ang produksyon ng mga agrikultural na produkto sa mas maraming mamimili sa bawat bayan at komunidad.
Sa mahigit ₱1.5 bilyon na kabuuang halaga ng mga FMR na gagawin sa CALABARZON, 4 dito ay sa Cavite, 7 sa Laguna, 9 sa Batangas, 3 sa Rizal, at 49 sa Quezon. Pinangunahan ni OIC-Regional Executive Director Engr. Redelliza Gruezo ang paglagda kaugnay dito kasama ang mga kawani ng RAED at District Engineering Office (DEO) sa bawat lalawigan.
Samantala, matatandaan na ibinigay na sa DA ang responsibilidad sa pagpapatayo ng mga kalsadang pang-agrikultura na dati ay hawak ng DPWH alinsunod sa Administrative Order No. 4, Series of 2026. Kaya naman ang mga nasabing proyekto ang mga pinakaunang implementasyon ng FMR sa rehiyon sa ilalim ng pangangasiwa ng tanggapan ng DA-4A.
